MANILA, Philippines - Nalambat na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa suspek na responsable sapagpatay sa isang miyembro ng ‘‘Masculados Dos’’ at sa isinagawang operasyon sa isang bakanteng lote saBrgy. Sta Lucia, Quezon City, kamakailan.
Sa ulat ni QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, nakilala ang suspek na si Kristopher Kyle Ernie, 31, ng Franc St., North Fairview Subdivision, Phase 8, Brgy. North Fairview, QC. Bukod kay Ernie naaresto rin ang dalawang kasama nito na sina Joselito Pangilinan, 39, ng Sikatuna Village, Caloocan City at Reedlani Premacio, 19, ng Accountant St., Brgy. Sauyo, QC.
Ayon kay Eleazar, si Ernie ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong carnapping with homicide dahil sa pagpatay kay Marcelo “Ozu” Ong, dating miyembro ng mga male artists na ‘Masculados Dos Dance Group’ at sa seaman na si Arnest John Agbayani bago ito tumakas sakay ng kanilang sasakyan noong 2015.
Ang warrant of arrest, sabi ni Eleazar ay inilabas ni Hon. Judge Ma. Conchita O Lucero-De Mesa, RTC, Br. 70, Binangonan, Rizal, at walang nirekomendang piyansa.
Si Ernie ay isinangkot sa pagpatay kay Ong noong nakaraang August 2, 2015 sa Angono, Rizal at pagkamatay ni Agbayani na unang iniulat na nawawala noong August 14, 2015 at natagpuang patay sa kahabaan ng isang highway sa Tagaytay City noong nakaraang August 18, 2015.
Base sa ulat, nitong March 3, 2017 nakatanggap ng impormasyon ang Anti Carnapping (ANCAR) hingil sa kinaroroonan ng wanted na suspek at agad na nagpadala ng mga operatiba sa lugar para hanapin ito. Dakong alas-4:30 ng hapon isang asset ng ANCAR ang nag-report na naispatan nito ang suspek sa isang bakanteng lote sa Atherton St., malapit sa Atherton Bridge sa North Fairview Subdivision, Brgy. Sta Lucia ,QC, habang nakikipagpulong sa tatlo pang lalaki na nasa isang kulay asul na Toyota Corolla at isang maroon Kia Picanto.
Agad na umaksyon ang mga operatiba, at pinasok ang lugar, kung saan tinangka ng apat na suspek na umiskapo, subalit agad na nakorner ang tatlo sa kanila habang nakatakas ang isa pa na nakilalang si Dennis Franco, 43, na inabandona ang sasakyan na Kia Picanto sa lugar.
Narekober sa lugar ang isang Colt 1911 caliber .45, anim na piraso ng plastic sachet ng shabu, at mga drug paraphernalia, isang patalim, isang Toyota Corolla (WGK-837) at isang maroon Kia Picanto na may conduction sticker na FF-9769.
No comments